RESO SA KOOPERASYON NG GOV’T SA ICC PROBE UMUSAD SA KAMARA

UMUSAD na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihikayat sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa kanilang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kahapon ay sinimulan na ang joint hearing ng House committee on justice at committee on human rights hinggil sa pagdinig sa tatlong resolusyon na nakahain sa Kamara upang hikayatin ang gobyernong Marcos na payagan ang ICC investigators na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa.

Kabilang na rito ang House Resolution (HR) 1482 na inakda ni Liberal Party (LP), at Albay Rep. Edcel Lagman; HR 1477 ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., chairman ng Human Rights Committee, at HR 1393 ni House Deputy Minority Leader France Castro.

Ayon kay Lagman, bilang dating miyembro ng ICC, kailangang tumulong ng gobyernong Marcos lalo na’t ang iniimbestigahan ay mga krimeng naganap mula noong Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019 kung saan naging pinal ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.

Hindi pa nakapag-iimbestiga ang ICC sa Pilipinas na inaasahang magpapatibay sa kasong ‘crime against humanity’ na isinampa ng iba’t ibang grupo laban kay Duterte matapos mabigo ang gobyerno na kasuhan ang dating Pangulo at mga kasamahan nito na nasa likod ng ‘war on drugs’ sa lokal na korte.

(BERNARD TAGUINOD)

156

Related posts

Leave a Comment