REWARD MONEY UGAT SA PAGPATAY KAY ESPINOSA?

KUMBINSIDO ang isang miyembro ng Quad Committee na ang reward money na makukuha ng mga pulis sa bawat drug suspect na mapapatay ang dahilan kung bakit pinatay sa loob ng kulungan si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

“Iyong puzzle po ninyo, kaya nag-apply sila ng search warrant para makapasok at mapatay nila iyong tao. May reward iyong patay, eh. Iyong buhay, wala, eh,” ani Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Ginawa ni Acop ang pahayag habang ginigisa sa Quad Comm investigation si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 chief Police Col. Marvin Marcos na siyang nanguna sa pagsalakay sa sub-provincial jail ng Baybay City noong Nobyembre 2016 kung saan nakakulong si Espinosa.

Unang isiniwalat ni dating Albuera City Police Director PLt. Col. Jovie Espenido na may reward money sa makapapatay ng drug suspect na nasa drug list, may kasalanan man o wala, na kinumpirma naman ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma.

Isang halimbawa umano nito ang kaso ng tatlong Chinese nationals na nakakulong sa Davao Penal Colony na pinatay ng dalawang preso noong Agosto 2016 kung saan binayaran umano ang mga ito ng tig-P1 milyon bawat ulo.

Dahil dito, naniniwala si Acop na reward money ang dahilan kung bakit sinalakay ng grupo ni Marcos ang kulungan ni Espinosa na sinabing may itinatagong baril at droga sa kanyang selda at napatay dahil nanlaban umano ang dating mayor.

Mariin naman itong itinanggi ni Marcos subalit sinabi ni Quad Comm lead chair Rep. Robert Ace Barbers na walang dahilan para magsilbi ng search warrant sa selda ni Espinosa dahil pwedeng maglunsad ng Oplan Galugad para kumpiskahin ang baril nito kung meron man. (BERNARD TAGUINOD)

11

Related posts

Leave a Comment