(NI BERNARD TAGUINOD)
Hindi na dapat magpatumpik-tumpik si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-abolish sa Road Board na sinasabing ugat bangayan ngayon ng liderato ng Kamara at Department of Budget and Management (DMB).
Ito ang pahayag ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin dahil in-adopt na rin naman aniya ng Senado ang nasabing panukala kaya naghihintay na lang ng aksyon ng Pangulo.
“The Road Board is under the executive and its abolition is its prerogative,” ani Villarin.
Ang Road Board ang nangangasiwa at nagdedesisyon kung saan ginagastos ang motor vehicle user’s charge (MVUC), mas kilala sa road user’s tax o buwis na kinokolekta sa mga may-ari ng mga sasakyan sa bansa na nagpaparehistro taon-taon.
Mula 2001 hanggang 2018 ay umaabot umano sa P166.18 Billion ang nakolekta sa road user’s tax kung saan P136.87 billion na ang nagagastos kaya halos P30 Billion pa ang natitira.
Unang pinagtibay ang nasabing panukala noong Agosto at inadopt ng Senado subalit binawi ito ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo noong Setyembre 2018 kung saan ibinabalik na sa pangangasiwa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nasabing pondo.
Subalit. ayon kay Villarin, wala nang silbi ang pagbawi ni Arroyo sa Road Board abolition kaya kung nais ni Duterte na buwagin ang road board na ito ay huwag na itong magdalawang isip.
245