HALOS isang buwan matapos ma-hack ang website ng Kamara de Representantes, ang social media account naman ni House Speaker Martin Romualdez ang tinangkang babuyin ng hackers.
Ito ang kinumpirma mismo ni Romualdez matapos matuklasan ng kanyang communication team na nagkaroon ng access ang mga hindi kilalang hackers sa kanyang Facebook account.
“I was informed by the communications team of the Office of the Speaker that my official social media accounts have recently been subjected to unauthorized access by unknown individuals,” ani Romualdez.
Magugunita na noong October 15, 2023 ay binaboy ng grupong nagpakilalang “-3musketeerz” ang website ng Kamara na naging dahilan kaya isinara ito ng ilang araw.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang Kamara kasama ang ilang ahensya ng gobyerno subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang report kung nakilala na ang tumira at bumaboy sa website ng kapulungan.
“We are taking this matter very seriously and are currently working with the relevant authorities to investigate this breach,” ani Romualdez ukol sa kanyang FB account.
Gayunpaman, hindi nito idinetalye kung ano ang ginawa ng hackers sa kanyang account subalit pinaalalahanan nito ang publiko na mag-ingat dahil posibleng makatanggap ang mga ito ng mensahe na hindi siya ang nagpadala kundi ang hackers.
(BERNARD TAGUINOD)
128