RTL AMENDMENTS PABOR SA FOREIGN FARMERS

TANGING rice farmers sa ibang bansa ang makikinabang sa pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na isinusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso imbes na ang mga lokal na magsasaka.

Ito ang dismayadong pahayag ni SINAG chairman Rosendo So dahil isa sa mga isinusulong ng Kamara ay i-subsidize ng gobyerno ang aangkating bigas sa ibang bansa lalo na kapag tumaas ang presyo nito sa lokal na merkado.

“Kung yung (rice import) isa-subsidize sa NFA (National Food Authority) ang mangyayari niyan, parang sina-subsidize natin ang foreign farmers dahil ibababa mo ang taripa sa pagpasok ng NFA so ibig sabihin ang isa-subsidized mo yung galing sa ibang bansa na bigas,” ani So.

Subalit, ayon naman kay ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, maraming sina-subsidized ang gobyerno tulad ng commuters sa Metro Rail Transit (MRT) at mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaya walang masama kung i-subsidized din ng gobyerno ang aangkating bigas upang maibenta sa taumbayan sa mas murang presyo.

“Ang dami nang sina-subsidized ang gobyerno. Every year, sa NEP, national expenditure program, may mga ibinibigay na subsidy sa NFA, may ibinibigay sa National Irrigation Administration. Bilyon-bilyon po e, ang pera,” ani Tulfo.

Subalit para kay So, kung talagang gusto ng gobyerno na magkaroon ng sapat na supply ng bigas sa bansa at maging dahilan para bumaba ang presyo nito ay dapat ang mga lokal na magsasaka ang i-subsidize.

Ngayong araw ay inaasahan na isasalang na sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang RTL amendments na sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang urgent bill. Ito ay sa kabila ng pagtutol ng Senado.

“We recognize the urgency of addressing the challenges faced by consumers due to high rice prices. Through these plenary debates, we are taking decisive action to bring about meaningful change and ease the financial strain on Filipino households,” ani House Speaker Martin Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)

30

Related posts

Leave a Comment