Sa dami ng onion importation DU30, GMA NAGBAON SA MGA MAGSASAKA

(BERNARD TAGUINOD)

KUNG may dapat sisihin sa pagbagsak ng sektor ng mga magbubukid, sila’y walang iba kundi sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Gloria Macapagal Arroyo, ayon sa militanteng grupo ng mga magsasaka.

Ayon kay dating party-list Rep. Rafael Mariano, na tumatayong chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa ilalim ng panunungkulan bilang pangulo nina Duterte at Arroyo naitala ang pinakamataas na antas ng onion importation.

Sa pagbaha ng supply ng sibuyas, unti-unti rin aniyang tumamlay ang lokal na industriya bunsod ng bagsak-presyong halaga ng sibuyas sa mga pamilihang bayan – sukdulang ikalugmok ng mga magsasakang Pilipino.

Pangamba ni Mariano, magpapatuloy ang problema kung magpadalos-dalos ang kasalukuyang administrasyon sa pag-angkat ng sibuyas sa ibayong dagat, partikular mula sa bansang Tsina.

Sa datos ni Mariano, lumobo sa 29.08% ang “onion import dependency” ng bansa sa unang tatlong taon ng termino ni Duterte. Nasa pangalawang pwesto naman ang administrasyong Arroyo na may 22.98% mula taong 2004 hanggang 2009.

Pinakamababa naman ang onion importation sa panahon nina dating Pangulo Benigno Aquino III at Joseph Ejercito Estrada na may 8.62% at 13.73% onion import dependency.

Bilang patunay ng pagbagsak ng kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, inilahad ng dating kongresista ang kaganapan sa nakalipas na dalawang taon kung saan minabuti na lamang itapon ng mga onion growers ang kanilang ani dahil “hindi na nakaya pang sumabay laban sa bagsak-presyong sibuyas mula sa Tsina.”

“Pag-upo ni (Pangulong Ferdinand) Marcos Jr., biglang sumirit pataas ang presyo ng sibuyas. Nangibabaw ang kartel sa pagma-manipulate ng suplay at presyo,” duda ni Mariano, kasabay ng paglalahad ng agam-agam sa ibinibidang pagbangon ng Pangulo sa sektor ng agrikultura.

Una nang kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mahigit sa 21,000 metriko toneladang sibuyas mula sa China bago matapos ang buwan ng Enero.

Nangangamba din ang dating mambabatas na lalong hindi makakabangon ang mga onion farmers sa bansa dahil sa aangkating sibuyas ng Department of Agriculture (DA) na aabot sa mahigit 21, 000 metric tons na nakatakdang dumating sa huling linggo ng Enero – kung kailan naman anihan na ng sibuyas na tanim ng mga magsasakang Pilipino.

“DA is burying alive the domestic agriculture especially small-scale farmers and food producers. Habang nananawagan ng pagpapalakas ng lokal na agrikultura at food self-sufficiency ang mga magsasaka, importasyon lang ang alam na gawin ng DA.”

28

Related posts

Leave a Comment