Sa pag-arangkada ng F2F classes GURO, PERSONNEL 92% BAKUNADO – DEPED

TINIYAK ng Department of Education (DepEd) na 92 porsiyento na ng mga teaching at non-teaching personnel na sasabak sa face-to-face classes simula ngayong Lunes ay kumpleto na sa primary vaccine series laban sa COVID-19 virus.

Gayunman, sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, ipatutupad pa rin ang “No Discrimination Policy” sa mga eskuwelahan at pahihintulutan ang mga guro at estudyante sa face-to-face classes kahit ano pa ang kanilang vaccination status.

Bukod dito, kukuha rin ng data ang DepEd kung ilan sa mga ito ang may booster doses na.

Una nang inanunsyo ni DepEd Usec. Atty. Revsee Escobedo na pwedeng makapagturo sa F2F classes ang mga guro na hindi bakunado.

Samantala, isa lang sa kada limang estudyante na magbabalik-eskwela ang bakunado kontra COVID-19, ayon pa rin sa tagapagsalita ng DepEd.

“Sa learners, ang vax rate natin [among learners, our vax rate] nationwide is 19%,” ayon kay Poa sa isang pulong-balitaan.

Paglilinaw ni Poa, nagmula ang datos sa Department of Health (DOH).

Isinisi naman ni Poa ang mababang antas ng bakunado sa hanay ng mga mag-aaral dahil sa kawalan ng mekanismong oobliga sa mga estudyanteng magpaturok kontra COVID-19 bago tanggapin sa klase.

“Of course we would like to have 100% vaccination rate but the truth of the matter is the vaccination program of the government is not mandatory,” aniya.

Upang pataasin ang antas ng proteksyon laban sa nakahahawang karamdaman, nakatakdang maglagay ng mobile vaccination centers sa mga paaralan.

Sinabi naman ni Education Undersecretary Epimaco Densing III, nakikipag-ugnayan na sila sa DOH upang magkaroon ng vaccination counselling sa mga magulang para kumbinsihin ang mga ito na magpabakuna.

Dagdag pa ni Densing, kapag naabot na ang sapat na numero ng mga estudyante at magulang ay magtatayo ng vaccination sites sa mga paaralan.

Aabot sa 37,000 guro mula sa 883,000 guro sa bansa ang hindi pa fully vaccinated.

Sa naturang bilang ay 20,000 ang nakatakda pa lamang makumpleto ang primary series at 17,000 ang patuloy na tumatangging magpabakuna. (ENOCK ECHAGUE)

Related posts

Leave a Comment