(NI NOEL ABUEL)
HUWAG nang hintayin pa na may panibagong pasyenteng madala sa ospital o masawi bago kumilos ang pamahalaan para kontrolin ang paggamit ng electronic cigarette o vaping-associated lung injury (EVALI).
Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian kung kaya’t inihahanda nito ang isang panukala na naglalayong mabantayan ang pagbebenta sa merkado ng e-cigarettes, vapes at iba pang electronic nicotine.
“Let’s not wait for another patient to be confined, or even worse die, as a result of EVALI. It’s time to regulate these smoking devices and save the lives of many Filipinos, particularly the youth,” aniya.
“We are already preparing a bill, which we will file soon, to regulate the packaging, advertisement, sale, and distribution of e-cigarettes in the country, including Juul (a cartridge-based e-cigarette),” sabi pa nito.
Nababahala aniya ito na binabaha ang bansa ng e-cigarettes sa kabila ng wala pang patunay na ligtas ito at walang hatid na sakit.
Giit nito, sapat na ang unang naiulat na kaso ng EVALI sa bansa para kumilos ang pamahalaan na maproteksyunan ang mga Filipino sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon sa pagbebenta nito.
“Sabi nga nila prevention is better than cure. Ngayon nga na nagtala na ang Department of Health ng isang kaso ng EVALI dito sa Pilipinas, nararapat lang na iregulate ang paggamit ng e-cigarettes at vapes dito sa Pilipinas para hindi na dumami pa ang kaso ng EVALI dito sa bansa,” sabi pa ni Gatchalian.
Base aniya sa datos ng Euromonitor, nagpapakita na noong nakaraang taon ang populasyon na gumagamit ng e-cigarettes at heated tobacco products sa bansa ay umakyat sa 226,700.
Maliban pa dito, umakyat din ang Pilipinas sa pangatlo sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) members sa bilang ng smoking population kung saan ang bansang Malaysia ang nangunguna.
130