SENADO KINALAMPAG SA ‘PINATULOG’ NA BHW BILLS

HINDI ikinatuwa ng isang prominenteng kongresista sa Kamara ang di umano’y pagpapatulog sa Senado ng santambak na panukalang nagsusulong palakasin ang programang pangkalusugan sa antas ng barangay.

Panawagan ni Davao City Rep. Paolo Duterte sa Senado, bigyang pansin ang mahigit sa 12 panukalang target dagdagan ang bilang ng mga barangay health workers — at maging ang Magna Carta of Barangay Health Workers.

“There are at least a dozen bills in the Senate proposing a magna carta for barangay health workers that still need to be reconciled and consolidated into a substitute bill. We hope the Senate would be able to prioritize the passage of its counterpart measure of the magna carta when Congress resumes session next month,” ani Duterte.

Bago ang pansamantalang pagsasara ng plenaryo kaugnay ng Kapaskuhan, pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang House Bill 6557, na agad namang isinumite sa Senado.

Gayundin aniya ang nangyari sa ilalim ng 18th Congress — pasado sa Kamara pero tumirik sa senado hanggang sa pagtatapos ng kanilang termino.

Sa ilalim ng HB 6557, maglalaan ng pondo para madagdagan ang bilang ng mga BHWs sa hangaring maabot ang target ratio na isang BHW sa kada 20 pamilya.

Maliban dito, bibigyan na rin ng P3,000 na honorarium ang bawat BHW bukod sa P1,000 transportation allowance kada buwan at 20% discount na tulad ng benepisyong natatanggap ng mga senior citizens at people with disabilities (PWDs).

Naniniwala ang solon na tuluyang darami ang papasok bilang BHW sa kanilang barangay sa sandaling ganap na maisabatas ang Magna Carta na nagbibigay dagdag benepisyo, kabilang ang “one-time gratuity cash incentive” na hindi bababa sa P10,000 at P100 hazard pay kada araw. (BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment