(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Win Gatchalian na suriin ng Senado ang implementasyon ng National Service Training Program (NSTP), partikular ang Reserve Officers’ Training Course (ROTC)na bahagi nito.
Sa gitna ito ng patuloy na pagbaba ng mga graduate ng ROTC na magboluntaryo sa Ready Reserve.
Sa Senate Resolution No. 97, sinabi ni Gatchalian na kailangan ang isang komprehensibong pagsusuri sa NSTP law, lalo na sa ROTC component, upang masukat kung gaano ito kaepektibo at makapagbalangkas ng panukalang batas o mga amyenda sa kasalukuyang batas upang mapalakas ang Reserve Force ng Pilipinas.
Sinabi ng mambabatas na ang implementasyon ng NSTP Law noong 2002 ay nagdulot ng matinding pagbaba sa enrollment sa ROTC program.
Ayon kay Gatchalian, mula 314,225 enrollees sa School Year (SY) 2000-2001 ay bumaba ito sa 170,071 sa SY 2002-2003, at bumaba pa sa 106,892 noong SY 2004-2005, na nagdulot ng suliranin sa Reserve Force ng AFP.
“Ipinakikita lamang ng estado ng ROTC program ngayon na marami itong hinaharap na pagsubok—hindi sa pagbaba ng enrollment kundi sa kakulangan sa mga ROTC graduates na magboboluntaryo para sa Ready Reserve, isyu sa pamumuno at sari-saring polisiya sa pagtatalaga ng mga opisyal sa ROTC units, kakulangan sa mga tauhan, lohistika at pondo, at kakulangan sa sapat na training facilities,” saad ni Gatchalian.
Binigyang-diin pa ni Gatchalian na mayroon ding mga isyu sa Program of Instruction, na hindi tugma sa misyon ng Reserve Force sa pakikibaka sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa kung saan may mahalagang papel ang ROTC sa paglikha ng mga reservists na kakailanganin nito, pati rin ang hindi nito pagtutugma sa henerasyon ng mga estudyante ngayon.
“Bagamat ang kasalukuyang klase sa NSTP ay nakatutulong sa kamalayan ng mga mag-aaral sa kanilang lipunan, hindi nito tuluyang nakakamit ang layunin sa pagbuo ng isang military and defense preparedness na kaisipan sa mga kabataan, lalo na sa pagtugon sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng sakuna, pagbabago ng klima, at mga banta laban sa pambansang seguridad,” pahayag pa ng mambabatas.
167