(NI BERNARD TAGUINOD)
TULAD ng mga nakaraang State of the Nation Address (SONA) umaasa ang liderato ng Kongreso na sumunod ang mga bisita, kasama na ang mambabatas, sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte maging simple lang sa kanilang pananamit.
Sa press briefing nitong Huwebes ng hapon, sinabi ni House Secretary General Roberto Maling, na naipadala na ang mga imbitasyon para sa mga bisita na dadalo sa ikaapat na SONA ni Duterte sa Hulyo 22.
Kasama sa mga nilalaman umano ng imbitasyon ay abiso sa mga bisita na magsuot lang ng simple tulad ng business attire, Barong Tagalog sa mga kalalakihan at Filipiniana dress para sa mga kababaihan.
“Yung ang template (simpleng pananamit) naming simula nang umupo si Presidente kasi yun po ang request niya, simple lang,” ani Maling kaya umaasa ito na susunod ang lahat ng mga bisita.
“I supposed (na sumunod ang mga bisita)… yun po ang pakiusap ng Presidente, yun po ang instruction ng Presidente (na simple lang ang damit),” ayon pa kay Maling.
Bago naging Pangulo si Duterte ay karaniwan na ang tanawin sa mga SONA ng mga nakaraang pangulo ang pabonggahang gown ng mga kababaihan lalo na ang asawa ng mga mambabatas.
Inirarampa ang mga mamahaling gown sa red carpet sa Kamara na gawa ng mga kilalang designer kaya isa ito sa mga inaabangan ng mga tao.
354