SIMULATION NG PAGLILIKAS SA OFWs SA TAIWAN PINASASAMA SA BALIKATAN

INIREKOMENDA ni Senador Francis Tolentino na isama sa Balikatan Exercises ng bansa ang simulation ng evacuation ng mahigit 150,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan bilang precautionary measure sa sandaling lumala pa ang giriin nito at ng China.

Sinabi ni Tolentino na dapat pag-aralan na ng pinuno ng Balikatan Gaming Exercise — Philippine side ang mga paraan kung paano ievacuate ang mga Pinoy gamit ang mga sasakyang pandagat mula Taiwan patungong Cagayan o Batanes bilang contingency measure.

Naniniwala ang senador na ang sea evacuation ang pinakaposibleng paraan ng paglilikas upang mabilis na maibalik sa bansa ang OFWs na nasa Taiwan.

Dapat din anyang ikonsidera ang partisipasyon ng commercial vessels sa evacuation simulation upang mapabilis ang repatriation ng mga maapektuhang OFW.

“Kasi hindi naman pwedeng C-130 (plane)–papaano mo isasakay sa C-130 ang 150,000? So iku-kumander mo ang mga private ship–i-practice/ire-rehearse,” paliwanag ng senador.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Tolentino si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) o Balikatan Exercises ay hindi nakadisenyo para sa anomang aksyon kaugnay sa girian ng Taiwan at China bagkus bilang proteksyon ng bansa.

“Yung EDCA ay para sa proteksyon ng Pilipinas, hindi to project military force outside the jurisdiction of the Philippines,” diin ni Tolentino.

Pinayuhan din ng mambabatas ang diplomat ng China na mag-ingat sa kanyang pagsasalita upang mapangalagaan din ang relasyon nito sa bansa. (DANG SAMSON-GARCIA)

98

Related posts

Leave a Comment