(NI BERNARD TAGUINOD)
HINILING sa Kamara kay Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin na silipin ang sinasabing sindikato ng pag-iisyu ng pasaporte sa kabila ng mga isinumiteng pekeng dokumento.
Kasabay nito, nagbanta na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Cotabato matapos mabuko ang paglalabas ng pasaporte kahit peke ang mga dokumento isinusumite sa ahensiya.
Sa press conference sa Kamara nitong Huwebes, ihinarap ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na inisyuhan ng passport ng DFA-Cotabato kahit peke ang mga dokumento.
Sa pahayag ng OFW na si Rizelyn Andoy ng Compostela Valley, nirecruit umano ito ng Jimbel para magtrabaho sa Saudi Arabia subalit dahil 20-anyos ito ay pineke ang kanyang birth certificate at ginawang 24 anyos kaya nagkaroon ng passport na inisyu ng DFA-Cotabato.
Dahil dito, nakaalis si Andoy noong Nobyembre 2018 sa edad na 24 anyos kahit sa katotohanan ay 20 anyos lamang ito at hindi pa puwedeng magtrabaho sa ibang bansa.
Nasa 21 anyos ang edad na tinatanggap bilang kasambahay sa naturang bansa.
Napilitan si Andoy na magpasaklolo sa grupo ni Yap dahil sa loob umano ng isang taon ay nakaapat na amo ito dahil pinagpasa-pasahan ito at pinagtrabaho ng mahabang oras at kahit wala sa kanyang kontrata.
Nagtataka si Yap kung bakit hindi natunugan ng DFA-Cotabato na peke ang birth certificate ni Andoy kaya umapela ito kay Locsin na imbestigahan ito.
“Ayaw ko silang (DFA-Cotabato) pagbintangan pero kung maalala niyo may mga Indonesian na nakakuha ng Filipino passport di ba? Sa Cotabato po yun,” pahayag ni Yap.
Dahil dito, panahon na aniya para kay Locson na “silipinin kung ano ang nangyayari” sa DFA-Cotabato dahil kung hindi ay marami pang menor de edad ang magbibigyan ng passport kahit peke ang kanilang mga dokumento.
“Sa akin po, ang passport po, hindi ito basta-basta papel lang. Nandirito nakasalalay ang kaligtasan at buhay ng isang tao, Kung ito ay pepekehin lamang, ano ang kinabukasan ang nag-aantay sa isang menor de edad sa ibang bansa,” ani Yap.
139