(NI HARVEY PEREZ)
MALAKI umano ang posibilidad na masayang ang isang puwesto na nakuha sa Kongreso ng Duterte Youth party-list group.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na sa kanyang sariling opinyon ay walang kuwalipikadong nominado ang Duterte Youth upang makapuwesto sa Kamara matapos na diskuwalipikahin ng Comelec First Division si dating Youth commissioner Ronald Cardema dahil sa pagiging overaged nito.
Sa kabila na naghain si Cardema ng apela sa desisyon ng poll body, mistula naman aniyang ‘isinuko’ na rin niya ito dahil sa ginawang paghahain ng grupo ng panibagong set of nominees sa poll body, kung saan siya pa rin ang unang nominado, at ang kanyang asawang si Ducielle naman ang ikalawang nominado.
Ayon kay Guanzon, malabo rin namang maaprubahan ang panibagong set of nominees na inihain ng grupo dahil Mayo 13 pa nang matapos ang deadline para dito.
“There was no nominee. In my opinion no one is qualified to get the seat,” ani Guanzon, sa panayam sa telebisyon.
“Posibleng masayang lang (ang pwesto)… what a waste. I mean, they (voters) could have voted for another party list,” ayon kay Guanzon.
Gayunman, sinabi ni Guanzon na posibleng sa loob ng isang buwan ay makapaglabas na ng desisyon ang Comelec sa naturang kaso ni Cardema.
Sinabi ni Guanzon na maliit din ang tsansa na mabaligtad ang una nilang desisyon na nagdidiskuwalipika kay Cardema dahil malinaw naman na talagang overaged na ito.
Gayundin, hindi naman tinukoy ng mga ito nang maghain ng petisyon para sa pagpaparehistro na ang kanilang grupo ay multi-sectoral at may kasamang mga youth professionals.
Naniniwala si Guanzon na hindi sila mananalo dahil sa naturang argumento.
135