DIGNIDAD at soberenya laban sa mga mananakop ang giit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng pagdiriwang ng ika-158 Araw ni Gat Andres Bonifacio, na ginanap sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City, Metro Manila.
“Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa mamamayang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ni Andres Bonifacio bilang pagpupugay sa Ama ng Rebolusyong Pilipino, na ang pagiging makabayan at kabayanihan ay nag-iwan ng pamana ng kalayaan, dignidad at soberanya para sa ating bansa at mamamayan,” pahayag ni AFP Chief of Staff Lieutenant General Andres Centino.
Pinangunahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng kinikilalang ama ng himagsikan sa Pinaglabanan.
Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, isang mabuting huwaran si Bonifacio na aniya’y nangarap ng kalayaan sa kabila pa ng pagiging dukha.
“Nakikiisa ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa bansa sa paggunita sa buhay at pamana ni Andres Bonifacio. Siya ay isang taong mababa ang pinagmulang nangahas na mangarap ng isang malaya at malayang bansang Pilipino,” sambit ng Kalihim, kasabay ng panawagang pakikiisa ng mamamayan sa gitna ng mga pagsubok na dala ng mga suliraning kinakaharap ng bansa.
Hamon pa ni Lorenzana sa mga sundalong Pilipino – maging tapat na tagapangasiwa ng Kalayaan.
Sa kaniyang talumpati, hinikayat ng Pangulo ang mga kabataang tularan si Bonifacio nagpalamas ng determinasyon at inspirasyon sa pakikibaka. (JESSE KABEL)
