SOLON: KAMARA MAGIGING RUBBER STAMP DUTERTE

congress12

(NI BERNARD TAGUINOD)

LALONG magiging rubber stamp ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kapag tuluyang nabuo ang “Duterte Coalition” na binubuo ng kanyang mga anak.

Ito ang pahayag ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro kaugnay ng Duterte Coalition na sinisimulang buuin nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

“We cannot expect the so-called ‘Duterte Coalition’ to serve the interest of the Filipino people. Instead, we can only expect this 18th Congress to be another rubber stamp of the Duterte administration,” ani Castro.

Sinabi ng mambabatas na malamang na estratehiya lamang ng mga anak ni Duterte ang binubuong koalisyon para masiguro na makasulot umano ang mga anti-people bills ng Duterte administration.

Kabilang na rito ang Charter Change (Cha Cha) at mga panukalang batas na may kinalaman sa ekonomiya tulad ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na nagpahirap sa taumbayan dahil naging dahilan ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Pangalan pa lang ng koalisyon nila, alam na kung kaninong interes ang kanilang pinaglilingkuran. Iyon ay ang interes ni Pangulong Duterte na lalong palakasin at patagalin ang kanyang kapangyarihan at mapagpatuloy ang tiraniya sa bansa,” dagdag pa ng mambabatas.

Sigurado rin umano na hahadlangan ng koalisyong ito ang pagpapanagot kay Duterte sa pag-atake sa kanyang mga kritiko, mga aktibista at mga human rights defenders.

Noong nakaraang Kongreso, mahigit 100 resolusyon umano ang inihain ng Makabayan bloc para imbestigahan ang mga pag-atake sa mga kritiko, human rights defenders at mga aktibista subalit hindi ito pinansin.

Kapag tuluyang nabuo aniya ang Duterte Coalition, mas lalong walang pag-asang maimbestigahan ang mga patayang ito at hindi na rin mapapanagot ang mga salarin kaya kabado si Castro.

 

109

Related posts

Leave a Comment