SOLON SA PUBLIKO: MAGSUOT PA RIN NG FACE MASK!

BAGAMA’T nirerespeto ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang polisiya ng gobyerno para sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor, patuloy ang paghikayat nito sa publiko na ugaliin pa rin ang pagsusuot ng mask.

“Bilang Committee Chair on Health, hinihikayat ko pa rin po ang ating mga kababayan na huwag maging kumpiyansa. Habang nandiyan si COVID, delikado pa rin po ang panahon. Wala naman sigurong mawawala sa atin kung susuotin po natin ang ating mga mask. Mas mahirap pong magkasakit, sa totoo lang po,” ani Go.

Ito ay sa kabila ng pahayag ni Go na naniniwala siyang dumaan sa pag-aaral ang desisyon.

“Kaya lang po, paalala ko lang sa mga kababayan natin, ‘wag pa rin pong maging kumpiyansa. Nasa atin naman ‘yan, nasa Pilipino naman ‘yan. Voluntary ang pagsusuot ng face mask, katulad ninyo nasa sa inyo naman ang desisyon kapag lumabas kayo at magsuot ng face mask para naman ito sa inyong proteksyon,” diin ni Go.

Kasabay nito, iginiit ng senador na kailangan ding paigtingin pa ng gobyerno ang information campaign para sa booster shots laban sa COVID 19.

“Ang nangyayari kasi ngayon, kulang ‘yung information drive natin na ipaintindi sa mga kababayan natin na kulang pa rin, hindi pa sapat ang initial two doses,” diin ni Go.

“Hindi naman po lahat ng mga kababayan natin ay (nakakapagtest) ng antibodies (laban sa COVID-19). ‘Yung iba nakapagpabooster… (Pero) yung ibang mga kababayan natin na hindi, nagiging kumpiyansa na po,” paliwanag pa ng senador.

Kung maaari rin anya ay magbigay ang gobyerno ng insentibo sa mga magpapabakuna at ilapit pa sa publiko ang mga vaccines.

“Kaya nga po dapat i-incentivize natin, bigyan natin, tayo po ang mag-adjust sa gobyerno. Hindi lang po ang national government, pati po LGUs (local government units), pwede bang suyurin n’yo po, dalhin n’yo po sa inyong mga barangay itong mga bakunang ito, kesa naman po ma-expire,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

241

Related posts

Leave a Comment