(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Bong Revilla na obligahin ang mga remittance agents at companies na ilabas nang buo ang kanilang mga terms at halaga ng money transfer service na iniaalok sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa kanyang Senate Bill 438, o ang proposed Remittance Act of 2019, iginiit ni Revilla na matindi ang paghihirap at sakripisyo ng mga OFW bago makapagpadala ng pera sa kanilang mga mahal sa buhay.
“These OFWs dedicate all their labor and sacrifices for the betterment of their families. Their salaries, wages or earnings that they send home are products of love and hard work,” saad ni Revilla.
“Recognizing the valuable contribution of our OFWs in our economy, this measure seeks to protect the hard earned money of our OFWs. It requires the disclosure of charges and fees that would be paid for sending their money through remittance agents and companies. Likewise, it penalizes price gouging or the exorbitant charging of fees for the transactions being made,” dagdag ng senador.
Alinsunod sa panukala, oobligahin ang mga remittance company na ilabas ang kanilang mga finance charges at iba pang fees sa money transfer service at maging tapat sa kanilang terms and conditions.
Ang lahat ng remittance agents at companies na nakarehistro at may lisensya ay dapat na nakakatugon sa mga requirement ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Department of Trade and Industry (DTI) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Dapat din silang sumunod sa exact real time exchange rate sa pagsisimula ng araw batay sa Reference Exchange Rate Bulletin ng BSP.
Oobligahin din ang remittance agents at companies na magkaroon ng waiver form sa bawat transaction kung saan nakasaad ang exchange rate kasama ang mga dagdag na fees na tinatanggal sa original remittance.
Sa panig naman ng senders at recipients, obligado ang mga ito na magpakita ng isang valid at legally acceptable identification (ID) card.
Ang mga lalabag sa batas ay papatawan ng anim hanggang 10 taong pagkabilanggo at multa na mula P200,000 hanggang P1 milyon.
“The OFWs’ total remittances made from April to September last year amounted to a total of P235.9 billion based on the records of the Philippine Statistics Authority (PSA),” diin ni Revilla.
Sa tala, mayorya o 52.8% ng mga OFWs ang nagpapadala ng remittance sa pamamagitan ng bangko habang ang iba ay sa money transfer services.
231