SOLON: UNAHIN ANG MAHAHALAGANG PANGANGAILANGAN NG MAMAMAYAN

NANAWAGAN ang isa sa mga kaalyado ng administrasyong Duterte sa Senado na bigyan ng pamahalaan ng kaukulang pansin ang mahahalagang pangangailangan ng mamamayan ngayong malaking problema pa rin nila ang trabaho at pera sa panahong hindi pa tuluyang humuhupa ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Idiniin ni Senadora Nancy Binay na “Essential concerns dapat ang pagtuunan ng pansin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.”

“Medyo nakaka-frustrate na sa kabila ng tumataas na bilang ng nawalan ng trabaho, mga negosyong nagsasara at mga pamilyang hanggang ngayon ay ‘di pa naaabutan ng ayuda, makikita natin na iba ang priorities at focus ng gobyerno,” birada ni Binay.

Inilabas ng senadora ang kanyang pagkadismaya sa administrasyong Duterte makaraang malaman na tumaas sa mahigit 7.3 milyon ang bilang ng mga manggagawa na walang trabaho sa kasalukuyan at milyun-milyon ang hindi pa nakatatanggap ng ayudang pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang 7.3 milyong Filipino na walang trabaho ang pinakamalaki sa nakalipas na dekada.

Batay sa datos na inilabas kamakailan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, P353 bilyon na ang nailabas na pera ng administrasyong Duterte bilang pampinansiyang ayuda sa 23 milyong mahihirap na mga pamilyang Filipino, 4.3 milyong manggagawa, 250,000 overseas Filipino workers (OFWs) at marami pang iba at pondong pambili ng COVID-19 testing kits, personal protective equipment (PPE) at iba pa.

Umabot sa P78 bilyon ang sobra sa P275 bilyong pondo na itinakda ng Bayanihan to Heal as One Law ang nailabas na pera ng administrasyong Duterte, ngunit napakarami pa ring tao ang hindi nakatanggap ng ayuda.

Dismayado rin si Binay dahil hindi naipasa ng Kongreso ang panukalang Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 kung saan P140 bilyon ang pinayagan ng Senado na idagdag ni Duterte na pang-ayuda sa mga batayang sektor.

Sa bersiyon ng Kamara de Representantes, P162 bilyon ang gusto ng mga kongresista na ilabas pa ng pamahalaan para sa mga gastusin nito sa sitwasyong mayroon pang COVID-19 pa sa bansa.

“Sa panahong ito na lahat ay kapos at walang makapitan, at di natin dapat hinahayaan na magkaroon ng gap sa pagbigay ng suporta lalo na sa mga pamilyang nawalan ng hanapbuhay. ‘Di pa po tapos ang laban, pero bumitaw na ang gobyerno.

Nasa ibang orbit ba ang mga Pilipino para iwanan sa ere?” bigwas ni Binay. NELSON S. BADILLA

122

Related posts

Leave a Comment