SOLON: VAPE, E-CIGAR, I-BAN

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

SA HALIP na dagdagan ang buwis, mas nararapat na i-ban o ipagbawal sa Pilipinas ang paggamit ng vape o ecigarette lalo na sa kabataan dahil sa masamang dulot nito sa kalusugan.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino kasabay ng paalala na maghinay-hinay ang Kongreso sa pag-aapruba ng panukala upang taasan ang buwis sa vape at e-cigar.

“Meron panukala na dagdagan ang buwis, pero ang sinasabi ko diyan eh wala naman tayo regulasyon pa na pinapayagan yan sa Pilipinas. So paano natin bubuwisan kung hindi pa legal?” giit ni Tolentino.

Dapat anyang hintayin muna ang mga pag-aaral kung ano ang epekto nito sa kalusugan ng mamamayan lalo na sa kabataan.

“Ang daming lumalabas na pag-aaral lalo na sa ibang bansa na itong vape ay nakakamatay, 39 na patay sa America,” saad pa ng senador.

“Sa huling pag-aaral, lumabas na may ingredient na nadiscover na ang Center for Disease Control and Prevention ng US na nakaka-cause ng pagsabog ng baga. Ang mga namatay dun yun ang dahilan, lung injury,” paliwanag ng mambabatas.

“Bakit natin hahayaang makapasok sa merkado ang isang bagay na wala pang solusyon para masabi natin na safe at pangalawa hindi pa sinasabing safe. Sa Singapore nai-ban ang vape dahil ang conclusion nila poison. Ang Australia conclusion lason,” diin pa nito.

Isa pa anyang nakakabahala ay ang posibilidad na magamit ng matatalinong sindikato ng droga ang vape at haluan na ito ng marijuana o shabu.

“Itong vape kasi pinalalabas nila alternatibo raw ito sa paninigarilyo, eh ang gumagamit ng vape ay mga dating hindi naninigarilyo, mga bata 13 years old at nabibili online. Ang nakakatakot nito nahahaluan ng cannabis oil, marijuana,” dagdag ng senador.

“Ang nakakatakot nito baka may magagaling tayong drug lords dyan baka shabu na ilagay dyan,” diin pa nito.

295

Related posts

Leave a Comment