(NI NOEL ABUEL)
KUNG masosolusyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema sa traffic at mabibigyan ng maayos na public transport system ang mga mamamayan ay tiyak na mapapatahimik ang mga kritiko ng administrasyon.
Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara kung saan naging matagumpay na aniya ang Pangulo sa kanyang pangako na mapigil ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Sinabi pa nito na kapayapaan at kaayusan ang naging pangunahing pokus ng unang kalahati ng panunungkulan ng Pangulo.
At ngayong nasa huling bahagi na ang Pangulong Duterte ng kanyang panunungkulan, panahon na aniya upang itaguyod ng Pangulo ang kanyang maiiwang legasiya.
Giit ni Angara, nasa tamang landas ang administrasyon sa pagpapatayo ng mga imprastrakturang magpapaunlad sa bansa.
Pinuri rin ng senador ang mga importanteng batas na naipasa sa ilalim ng administrasyon, kabilang na dito ang Free Tuition Law, Free Irrigation Law at ang Universal Healthcare Act.
Ngayong ikaapat na SONA ng Pangulo, nais aniyang mapakinggan ni Angara ang magiging plano ng Pangulo hindi lamang sa susunod na tatlong taon kundi hanggang sa susunod pang dekada.
Inaasahan din ng senador na mababanggit ng Pangulo ang katuparan sa pangakong pagpapataas ng sweldo ng mga guro at pagkakaroon ng mas maraming job opportunity upang hindi na kailangan pang mangibang bansa ng mga Pinoy.
169