MASISILAYAN na sa Sanctuario de San Antonio parish sa Forbes Park, Makati City simula Abril 25 ang naka-display na sasakyang ginamit ni Pope Francis nang bumisita ito sa Pilipinas noong 2015.
Ang “Pope Mobile” o karaniwang tinawag na “Pope Jeep” dahil ito ay hawig sa pampublikong jeepney na dumaraan sa mga lansangan ng Maynila, ay maaaring masilayan hanggang Linggo, Mayo 4, 2025 sa ganap na ika-6:00 ng gabi.
Ginamit ng papa ang isang customized jeepney bilang kanyang POPE MOBILE, isang sasakyan na idinisenyo upang ipakita ang diwa ng talino ng Filipino at ang pagnanais ng papa na makipag-ugnayan sa mga tao.
“This white, open-air jeepney, locally crafted, served as a symbolic representation of his humility and solidarity with the Filipino masses”, ayon sa pahayag ng simbahan.
Nagdaos ng Misa si Pope Francis sa Manila Cathedral gayundin sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas.
Sa Tacloban City, nagdaos din ng Misa ang papa sa kabila ng malakas na pag-ulan at malakas na hangin na dulot ng bagyo.
(JOCELYN DOMENDEN)
