PAGBABANTA SA ILANG MEDIAMEN IDINULOG NG PTFoMS SA PNP

PATULOY ang pakikipag-ugnayan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa pamunuan ng Philippine National Police kasunod ng mga ulat na tumitindi ang banta sa seguridad ng mga kasapi ng media habang papalapit ang May 2025 Midterm election.

Ayon kay kay PTFOMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr., kasalukuyang nakikipag-ugnayan sila sa PNP upang beripikahin ang mga paratang at magsagawa ng threat assessment upang masuri ang mga banta sa seguridad ng mga mamamahayag lalo na ngayong election period.

Tahasang inihayag ni Usec Jose Torres Jr., siniseryoso ng kanilang tanggapan ang lahat ng uri ng banta laban sa media workers at nakatuon ito sa pagpapanatili ng kanilang kaligtasan habang ginagampanan nila ang mahalagang papel sa demokrasya.

Hiniling ng PTFOMS sa PNP Media Vanguards na imbestigahan ang mga ulat ng pagbabanta at karahasan laban sa mga mamamahayag, kasabay ng tumitinding tensyon bago ang midterm elections.

Ilan sa iniulat na nakatatanggap ng matinding pagbabanta sina Romeo Beñas Gonzales ng DZRH, at dating Negros Press Club president at radio block timer Reynaldo Siason.

Si Beñas ay binantaan umano ni La Paz, Abra Mayor Joseph Bernos—na tumatakbo rin bilang kongresista, sa pamamagitan ng Facebook Messenger at video call noong Abril 21, kaya dumulog ang PTFOMS sa PNP upang beripikahin ang mga paratang at masuri ang mga banta sa seguridad ng mamamahayag.

Habang pinaulanan naman umano ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang tahanan ni Siason sa Talisay City, Negros Occidental noong Abril 20.

Nanawagan din si Torres sa lahat ng mga kandidato na igalang ang kalayaan ng pamamahayag at hayaang gampanan ng mga mamamahayag ang kanilang tungkulin nang walang takot sa karahasang maaaring iganti sa kanila.

Subalit hindi rin nakalimot si Torres na paalalahanan din ang lahat ng kasapi sa media hinggil sa responsableng pamamahayag, binigyang-diin na sa panahong puno ng tensyon at hamon, mahalaga ang pagsunod sa mga etikal na pamantayan ng media profession.

Samantala, mariing kinondena ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang umano’y pagbabanta ni Bernos kay Gonzales. Nanawagan ang NPC sa kinauukulang mga ahensya, partikular ang Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG), na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.

(JESSE KABEL RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment