SUPORTA SA PINOY ATLETA DAPAT ITULOY  —  SOLON

(NI NOEL ABUEL)

NGAYONG natapos na ang SEA Games at nagpakita ng galing ang mga Filipinong atleta, dapat na hindi matapos ang suporta sa mga ito.

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian sa pagsasabing hindi nangangahulugan na dahil tapos na ang SEA games ay matatapos na rin ang suporta sa mga atleta.

Ayon sa mambabatas, lalo pa nga umanong dapat magkaisa ang pamahalaan, ang sektor ng edukasyon at ang pribadong sektor upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga atleta, kabilang ang sapat na imprastraktura at tulong pinansiyal.

“Nakita natin sa SEA Games kung paanong nagkaisa ang ating mga kababayan sa pagsuporta sa ating mga atleta. Ngunit hindi dapat dito sa SEA Games nagtatapos ang pagkakaisa natin para sa ating mga manlalaro. Sa puntong ito, mahalagang magkaisa rin tayo sa paghubog ng mga susunod pang henerasyon ng mga atletang magbibigay ng karangalan sa ating bansa,” paliwanag pa ni Gatchalian

“Marami tayong mga mahuhusay na mga manlalaro at may nakahanda na tayong mga magagandang pasilidad na magbibigay sa kanila ng world-class training. Pagkatapos ng SEA Games, maaari nang gamitin ang mga pasilidad na ito para sa pagsasanay ng ating mga atleta,” dagdag pa ng senador.

Mahalaga aniya ang magiging papel ng Philippine High School for Sports (PHSS) upang itaguyod ang sports sa bansa.

Isinusulong ang panukalang pagpapatayo ng naturang paaralan sa New Clark City upang i-angat ang kakayahan ng mga susunod na henerasyon ng mga atleta. Inaasahang masimulan ang pagpapatayo ng paaralan sa susunod na taon.

Mahalaga rin aniya na makipagtulungan ang pamahalaan sa mga corporate sponsors at donors mula sa ibang bansa upang lalong mapalakas ang mga Pinoy athletes.

“Sa pagpapalakas natin ng sports development, mahalagang magkaroon tayo ng holistic approach upang maibigay natin ang pangangailangan ng ating mga atleta sa bawat hakbang. Hindi lang natin susuportahan ang mga atleta natin pag sumabak na sila sa laban, sisimulan natin ang pagsuporta sa pinakamaagang pagkakataon,” pahayag ni Gatchalian.

Taong 2005 nang huling magkampeon ang Pilipinas sa SEA Games, kung saan nakapag-uwi ang bansa ng 113 medalyang ginto. Sa taong ito, nakapag-uwi ang Pilipinas ng 149 ng gold, 117 silver at 119 na bronze medals.

Itinuturing aniya na pinakamalaki ang SEA Games ngayong taon dahil sa pagkakaroon nito ng 56 sports at 530 mga kompetisyon sa 44 na mga lugar sa bansa.

190

Related posts

Leave a Comment