(Ni Jet D. Antolin )
DALAWANG taon na ang nakararaan nang matalo ang ngayong 2018 Ms. Universe na si Ms. Philippines Catriona Gray sa Miss World beauty pageant. Gayunman, hindi pinanghinaan ng loob si Catriona at sa halip, nagsumikap at muling bumangon para patunayan hindi lamang sa mundo, kundi sa buong kalawakan, sya ang karapat-dapat tanghaling pinakamagandang babaing nilalang.
Si Catriona, 24-anyos na Pinay-Australian ang itinanghal na ikaapat na Miss Universe ng Pilipinas kabilang sina Pia Wurtzback (2015), Margie Moran (1973), at Gloria Diaz (1969). Ginulat ni Catriona ang mundo ng beauty pageant nang pasikatin ang kanyang ‘lava walk’ at ‘slow mo turn’ sa preliminary rounds, na napansin ng pageant analysts, maging ng international model na si Tyra Banks. Dahil doon ay tinutukan na si Catriona at dumagsa ang aabot sa isang milyong fans sa kanyang Instragram. Bago pa nito ay nagpasiklab na si Catriona nang irampa ang higanteng parol na nakadikit sa kanyang likod at sa matingkad nitong dilaw na long gown kung saan ipinagmalaki ang disenyong Ibong Adarna.
Sa kanyang paglabas sa entablado sa mismong pageant night sa IMPACT Arena sa Bangkok, Thailand, dumagundong na ang hiyawan at palakpakan ng mga fans at supporters na naging hudyat para subaybayan na ang kilos ni Catriona bilang crowd favorite ng pageant sa halos tatlong oras na palabas.
Sa pagtatapos, tunay na lumutang ang ganda at talino ng Pilipino nang talunin ni Catriona si Tamaryn Green ng South Africa na syang naging first runner-up kasunod ng Miss Venezuela. “If I could teach also people to be grateful, we could have an amazing world where negativity could not grow and foster, and children would have a smile on their faces. Thank you,” sabi ni Catriona sa ilang bahagi ng kanyang sagot na nagpanalo sa kanya sa final question.
242