Tanong ng solon sa pagsablay sa ‘red-tagging’ INTEL FUNDS NG AFP, NASAAN?

HINAHANAP ng isang mambabatas sa Kamara ang intelligence funds ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos sumablay ang mga ito sa pagpapalabas ng pangalan ng mga estudyante na nahuli at napatay umano dahil sa pagsapi sa New People’s Army (NPA).

“Saan napunta ang intelligence fund?,” tanong ni ACT party-list Rep. France Castro dahil lumalabas na kung sino-sino na lamang ang inilagay ng AFP na pangalan ng mga estudyante ng University of the Philippines (UP) na naging NPA umano.

Ayon sa mambabatas, kung nagagamit nang maayos ang intelligence funds ng AFP at iba pang ahensya ng gobyerno ay hindi sasablay ang mga ito at hindi malalagay sa panganib ang buhay ng mga inosenteng mamamayan.

Ginawa ni Castro ang pahayag matapos pumalag ang isa sa mga pinangalanan ng AFP na dating UP student na naging NPA at napatay umano sa military operation na si Atty. Raffy Aquino ng Free Legal Assistance Group.

Bukod kay Aquino ay 6 pa umano sa pinangalanan ng AFP ang pumalag at pawang itinanggi na naging NPA ang mga ito.

Bilang tugon, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenza na “unpardonable gaffe” ang nangyari kaya hihingi umano ng apology ang Sandatahang Lakas.

Ang AFP ay mayroong P1.7 billion Intel o confidential funds ngayong taon at bahagi ito ng P8.28 billion Intelligence fund ng Duterte administration kung saan P4.786 billion ay ibinigay sa Office of the President.

HINDI SAPAT
ANG APOLOGY

“Hindi sasapat ang paumanhin lamang para sa walang pakundangang red-tagging na ginawa nitong AFP,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Sinabi ng mambabatas na dapat itigil na ng AFP ang pagrered-tag dahil inilalagay umano ng mga ito sa panganib ang buhay ng mga inosenteng mamamayan kasama ang kanilang pamilya.

‘Una, kailangan pigilan at ipagbawal na iyang walang batayang red-tagging, walang pakundangang pagtuturo at nakapapahamak na pag-aakusa sa maraming mga indibidwal at organisasyon,” ani Zarate.

Dapat din umanong panagutin ang mga sundalo o opisyales na walang pakundangang naglalagay ng pangalan at inaakusahan nilang mga rebelde kahit wala silang sapat na katibayan. (BERNARD TAGUINOD)

45

Related posts

Leave a Comment