HIRIT NA WAGE INCREASE TABLADO

HINDI pa man pormal na humihiling ng umento sa kanilang buwanang suweldo ang mga organisasyon ng manggagawa ay kagyat nang tinutulan ito ng samahan ng mga negosyante.

Ayon sa pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na si Sergio Ortiz-Luis, hindi kayang magtaas ng suweldo sa panahong ito ang mga kumpanya – maliit man o malaki – dahil marami sa mga ito ay nagsasara na dulot ng pagkalugi.

Tugon ito ni Luis makaraang ipahayag ng Partido Manggagawa (PM), Federation of Free Workers (FFW) at Ibon Foundation na nararapat lang na itaas na ang sahod ng mga manggagawa ngayong walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino.

Aminado ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na sobrang taas ng presyo ng karne ng baboy, manok, gulay at mga prutas.

Umentong P100 across-the-board ang posisyon ng PM dahil masyado nang mahina ang “purchasing power” ng sahod ng mga manggagawa, kabilang na ang P537 kada araw sa Metro Manila na siyang pinakamataas sa lahat ng rehiyon.

Lalong napahina ang sahod ng mga manggagawa, kasama ang P537 ng mga nagtatrabaho sa Metro Manila, dahil sa sobrang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, paliwanag ng Ibon.

Sabi pa ng Ibon, ang inflation rate sa panahong ito ay pinakamabilis makaraan ang 21-buwan nang huli itong bumilis sa bansa.

Naniniwala ang PM at Ibon na tanging umento sa sahod ang solusyon sa malawakang problema hinggil sa kawalan ng trabaho sa bansa at sa serye ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Inilabas ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ilang araw na ang nakalipas na maaari nang maghain ng petisyon sa mga Regional Wage and Productivity Boards (RWPBs) ng Department of Labor and Employment ang mga samahan at unyon ng mga manggagawa mula sa labinglimang rehiyon sa bansa para sa pagtaas ng kanilang sahod dahil tapos na ang isang taong distansiya mula nang huling pumayag ang mga RWPB ng umento.

Noong wala pang pandemya ng COVID-19 ay madalas na ring tumutol ang ECOP sa kahilingan ng mga manggagawa na itaas ang kanilang suweldo. (NELSON S. BADILLA)

77

Related posts

Leave a Comment