Taumbayan umaalma sa malawakang pagbaha PONDO SA FLOOD CONTROL PROJECTS NAUWI SA KORUPSYON?

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI pwedeng hindi panagutin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging si dating pangulong Rodrigo Duterte sa palpak na flood control projects na ginastusan ng mahigit isang trilyong piso mula noong 2019.

Ito ang iginiit ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares kasunod mapaminsalang baha na idinulot ng bagyong Enteng kung saan labis na naapektuhan ang Metro Manila, Antipolo Rizal at mga karatig lalawigan.

“Filipinos demand accountability from the Marcos Jr. government as well as immediate predecessors for the failed flood control programs that have left communities devastated by floods, like the one we are experiencing now with Typhoon Enteng,” ani Colmenares.

“We feel frustrated – outraged – that rampant corruption has siphoned off funds meant for critical infrastructure, turning what should have been a life-saving initiative into a massive tragic failure,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Base sa video footages, buong Metro Manila ang nalubog sa baha kasama ang maraming lugar sa Cavite kung saan labis na naapektuhan ang Antipolo sa Rizal na ikinasawi ng maraming tao.

Nangyayari pa rin aniya ang problemang ito sa kabila ng P1.2 trillion na ginastos ng gobyerno mula 2019 hanggang 2024 kaya kailangang panagutin umano sina Marcos at Duterte at mga opisyales ng gobyerno na nagpatupad ng nasabing proyekto kasama na ang mga kinuhang kontraktor.

Noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos, ipinagmalaki nito na 5,500 control projects na umano ang natapos para proteksyunan ang mga tao at ari-arian sa baha tuwing umuulan.

Gayunpaman, dalawang araw pagkatapos ng kanyang SONA noong July 22, ay nanalasa ang bagyong Carina na nagpalubog sa Metro Manila at mga karatig lalawigan at noong Lunes, September 2, ay muling napatunayan na walang silbi ang flood control projects na ipinagmalaki ng Pangulo kaya lalong lumalakas ang ebidensya na marami sa mga proyektong ito ay hindi ginawa at sa halip ay ibinulsa lang ang pondo.

“Investigations have revealed that funds intended for these projects were instead pocketed by corrupt officials, leaving our cities and towns defenseless against flash floods and dam overflows,” ayon pa kay Colmenares.

69

Related posts

Leave a Comment