TINANGGIHAN ng Department of Finance ang panukalang tax exemption sa honoraria at allowances ng mga guro at iba pang indibidwal na magbibigay ng kanilang serbisyo sa panahon ng eleksyon.
“We do not support the proposed tax exemption,” ayon kay DOF Policy, Research and Liaison Office director Arvin Quiñones.
Ang paliwanag ni Quiñones, ang honoraria at benepisyo na ibinibigay ng Commission on Elections sa poll workers ay bahagi ng kanilang gross income, na aniya’y “subject to income tax.”
Sinabi pa niya na hindi ang tax exemption ang pinakamagandang paraan para masiguro ang mas maraming benepisyo para sa mga nagsisilbi sa panahon ng halalan.
Posible aniya kasi na pag-ugatan ito ng mas marami pang exemptions para sa kaparehong benepisyo na ibinibigay naman sa iba pang mga indibidwal na magseserbisyo din sa halalan.
“Exempting one kind of activity, in this case, the electoral services that our teachers provide, will be inequitable to other similar activities that provide the similar kinds of benefits. It’s like saying we want to prefer one service and give exemptions to them, to the detriment of others,” ayon kay Quiñones.
Sinabi pa niya na malaki rin ang posibilidad na maabuso ang tax system nang dahil dito at mas mahirap din na ipatupad ito kung tutugunan nila ang mga benepisyo sa pamamagitan ng tax system.
Samantala, binigyang-diin din ng kagawaran sa kanilang position paper ang Republic Act No. 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, at sinabi nito na nakapagbigay na raw sila ng relief mula sa personal income taxes ng mga magsisilbi sa halalan mula nang nagkaroon ng adjustments sa tax rate. (CHRISTIAN DALE)
243