(NI MAC CABREROS)
HINDI lubos na nagalak ang mga guro sa nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikaapat na SONA na pagkakalooban ng umento ang mga ito kabilang ang iba pang empleyado ng gobyerno.
“ Magkano naman kaya ang umentong ito?” tanong ng Teachers’ Dignity Coalition.
Binanggit ng grupo ang pahiwatig ng Pangulo na “hindi ito kalakihan pero mas mataas nang kaunti sa nakalipas.”
Binigyan-diin pa ng TDC na malamang ang tinutukoy ng Punong Ehekutibo ay ang dagdag-sahod na aayon sa Salary Standardization Law na noon pang 1989 ipinatupad.
“Ang masakit ay naka-angkla pa rin ito sa SSL at hindi magbibigay ng hiwalay na iskema para sa teachers. Hindi pa rin itatama ang pagkakamaling nagawa ng nagdaang gobyerno,”diin TDC national chairperson Benjo Basas.
Dahil dito, nais ng grupo na magpasa ang 18th Congress ng batas na magtatakda sa dagdag benepisyo ng mga guro gaya ng AFP, PNP at GSIS na may batas pinaiiral dito.
Samantala, ibinibida ng Department of Education (DepEd) sa pagtutok sa Last Mile Schools Program sa geographically isolated and disadvantaged and conflict-affected areas o GIDCA.
“Priority namin talaga ang Last Mile Program para marating natin, maabot natin ang lahat ng kabataan dito sa Pilipinas. Walang maiiwan,” pahayag Sec. Leonor Briones.
Inihayag din ni Briones sa ginanap na National Science and Technology Week sa World Trade Center na kaagapay sila ng Department of Science and Technology sa pagtaguyod sa science and technology para mapalakas ang human resources ng bansa.
157