TEENAGE PREGNANCY, TATAAS PA SA COVID-19 PANDEMIC

NANGANGAMBA si Senador Win Gatchalian sa posibilidad ng paglobo ng mga kaso ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa gitna ng COVID 19 pandemic.

Ito anya ay kung ibabatay na rin sa mga nagdaang kalamidad at sakuna sa Pilipinas at ibang bansa kung saan isa sa mga naging epekto ang pagtaas ng kaso ng maagang pagbubuntis.

Isa sa halimbawa nito ang epekto ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013 kung saan 23.5% ng kabataan ang nabuntis habang 14.8% ng mga batang inang nanganak ang muling nabuntis nang sumunod na taon.

Sa Sierra Leone naman noong panahon ng Ebola outbreak, umakyat ng 65% ang mga kaso ng teenage pregnancy sa apektadong mga komunidad.

Dahil dito, pinakikilos ni Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan upang paigtingin ang mga programang pang-kalusugan at tutukan ang pagsugpo sa maagang pagbubuntis.

Ayon pa sa senador, kailangan ding patatagin pa ang comprehensive sexuality education upang labanan ang maagang pagbubuntis.

Bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19, itinuturing nang isang national emergency ang teenage pregnancy sa bansa.

“Matagal nang hamon sa ating pigilan ang pagdami ng kaso ng maagang pagbubuntis ngunit dahil sa COVID-19, nanganganib na mas dumami pa ang mga kabataang kababaihan na maging batang ina at huminto sa pag-aaral,” saad ni Gatchalian. (DANG SAMSON-GARCIA)

135

Related posts

Leave a Comment