Telcos, cable TV companies oobligahin LANSANGAN IPALILINIS SA ‘EYE SORE WIRES’

BUNSOD ng panganib sa mga tao at ‘masakit sa mata’, oobligahin ang telephone companies (Telcos) kasama ang cable TV companies at power distribution companies, na ayusin ang kanilang mga kable sa lahat ng mga lansangan sa buong bansa.

Sa House Bill (HB) 10427 o Anti-Dangling Wires Act of 2024 na inakda ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto Jr., bukod sa pagsasaayos sa mga kable ay oobligahin din ang nabanggit na mga kumpara na alisin ang mga kable na hindi na ginagamit.

Ayon sa mambabatas, habang tumatagal ay parami nang parami ang mga kable na ikinakabit kung saan-saan kaya bumibigat ang mga ito dahil hindi inaayos ang pagkabit at maging ang mga pinutol ay basta na lamang iniiwan at hindi inaalis.

Dahil dito, kailangan na aniya ang national law dito upang maobliga ang nabanggit na mga kumpanya na ayusin ang kanilang mga kable dahil kung hindi ay bibigyan ng Kongreso ang Local Government Units (LGUs) ng kapangyarihan na patawan ang mga ito ng parusa tulad ng pagkansela kanilang permit to operate.

Aniya, hindi lamang sa Metro Manila ipatutupad ito kapag naging batas, kundi sa buong bansa dahil sa nagkalat na mga kable sa mga lalawigan ng nabanggit na mga kumpanya na tila walang pakialam sa kaligtasan ng mga tao. (BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment