TIGIL-PUTIKAN NG CPP WALANG KATUTURAN – AÑO

Secretary Eduardo Año

WALANG katuturan ang idineklarang tigil-putukan ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa darating na kapaskuhan.

Idiniin ito ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año dahil ang totoong layunin ng CPP ay gamitin ang tigil-putukan upang mag-propaganda lamang.

“Ito po ay isang malaking kalokohan. Huwag na nilang gamiting dahilan ang Kapaskuhan sa pagkukunwari nila na magtitigil-putukan sila sa panahong iyon gayong alam naman nating magpapalakas lang sila ng puwersa,” saad ni Año.

Sa darating na Disyembre 26 ay ipagdiriwang ng CPP ang ika-50 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito.

Itinatag ang CPP noong 1968 sa pangunguna ni Jose Maria Sison sa mismong araw ng pagdiriwang ng kaarawan ni Mao Tse-Tung.

Si Mao ang idolo ni Sison sa pagsusulong pangmatagalang armadong pakikibaka upang palitan ang kasalukuyang gobyerno ng pamahalaang pamumunuan ng iilang lider ng CPP.

“Taon-taon na lang ay nagdedeklara sila ng tigil-putukan at pinagbibigyan sila ng pamahalaan alang-alang sa diwa ng Kapaskuhan. Sa puntong ito, huwag na nating sakyan ang mga palabas ng grupong ito,” banggit ng pinuno ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Tiniyak niyang tutol ang DILG sa pagdedeklara ng pamahalaan ng tigil-putukan bilang tugon sa ginawa ng CPP.

Ganito rin ang mga posisyon ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

84

Related posts

Leave a Comment