(NI KIKO CUETO)
INABISUHAN ni Agriculture Secretary William Dar ang publiko na maghanap na lang ng ibang mas murang isda, kasunod ng pag-doble ng presyo ng kada kilo ng tinaguriang “poor man’s fish” na galunggong.
Itinuro ni Dar na posibleng alternatibo ang tilapia at bangus na mas mura.
“Meron namang [ibang] mga sources ng protein, mas mura pa, ‘yung tilapya at bangus. The same protein ay mas marami pa rito kesa galunggong,” sinabi nito.
Sa sinabi pa ni Dar, ang isang kilo ng tilapia ay nasa P120 hanggang P130, habang ang bangus naman ay nasa P150 ang kada kilo.
“Ako mas gusto na bibili ng tilapya at bangus kesa galunggong. Wala namang problema ang tilapya basta maganda ‘yung areas where they are raising it,” sinabi nito.
Sa Mega Q Mart mula sa P150, pumelo na ito minsan ng P300 kada kilo ng galunggong. Nitong Lunes ay nasa hanggang P280 ang kilo.
Paliwanag ni Agriculture spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes ito ay dahil sa kakulangan ng suplay dahil sa closed fishing season.
“At the same time, mataas ang demand this Christmas season. Twice as much. Pangatlo, malamig ang karagatan. So ang mga isda, lumalayo. Therefore ‘pag lumalayo, hinahabol ng ating mga mangingisda. Mas malaking gastos, logistics cost,” dagdag ni Reyes.
Kaya naman inamin ni DAR na mag-iimport sila ng 45,000 metric tons ng galunggong.
475