TRABAHO NG CHINESE WORKERS NILINAW NG DOLE

NILINAW ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa ay gumagawa ng trabaho na hindi kaya o ayaw gawin ng Filipino.

‘Yun lang naman kasing mga may alien employment permit, kaya sila binigyan ng permit, dahil ‘yung trabahong gagawin nila dito ay ‘di kaya ng mga Pilipino. O kaya, kahit kaya, ayaw,” sabi ni Bello.

Binigyang-diin din ni Bello na ang mga Alien Employment Permits (AEPs) ay maaari lang iisyu sa mga dayuhan na alam ang trabahong ibinibigay ng lokal na kompanya.

Hindi naman binanggit ni Bello kung ano ang mga trabahong ginagawa ng Chinese workers na hindi kayang gawin ng mga Pinoy.

Sinabi ni recruitment and migration expert Emmanuel Geslani na kapos na sa skilled workers sa construction industry at ito umano ang pinupunan ng Chinese laborers na sinasabing triple ang sahod kumpara sa mga Filipino.

Noong Sabado, sinabi ng Pangulo na hindi basta-basta mapapaalis ng bansa ang mga Chinese nationals dahil iniisip din umano ang kapakanan ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa China na posibleng tanggalan din ng trabaho.

“‘Yung mga Chinese dito, hayaan mo ‘yan na dito magtrabaho, hayaan mo. Bakit? We have 300,000 Filipinos in China. Kaya hindi ako maka-sabing, ‘o umalis kayo dito, i-deport ka doon.’ Eh kung biglang paalisin ‘yun doon 300 [thousand] of them, just like in the Middle East?” sabi ni Duterte.

75

Related posts

Leave a Comment