TRB SA SMC: TOLL FEE SA SKYWAY GAWING RESONABLE

DAPAT “resonableng bayad”.

Ito ang giit ng Toll Regulatory Board (TRB) bago payagan ang hinihinging toll rate ng San Miguel Corporation (SMC) para sa Skyway Stage 3 mula Buendia, Makati hanggang Boni-Balintawak Quezon City.

Nakasalang sa TRB ang kahilingan ng SMC na P274 ang toll fee sa buong haba ng byahe sa Skyway.

Ang pinakamababang bayad na hinihingi ng SMC sa mga motorista ay P110 para sa pinakamaikling ruta.

Binanggit ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Finance Gary Guzman sa isang broadsheet na kahit malaki ang tulong ng Skyway sa pagbabawas ng napakatinding trapik sa Epifanio delos Santos Avenue ay hindi tamang masyadong mataas ang singil ng SMC mula sa mga motorista.

Ang P110 hanggang P274 (depende sa haba ng tatakbuhin ng sasakyan) ay kahilingan ng SMC batay sa kompyutasyon nito.

Idiniin ni Guzman na hanggang walang pinal na desisyon ang TRB ay hindi puwedeng maningil ang SMC ng toll fee mula sa mga motorista dahil labag ito sa batas.

Dahil dito, libre pa rin ang pagdaan ng mga motorista hanggang walang desisyon ang TRB.

Ang TRB ay ahensiya ng pamahalaan na inatasan ng batas na pag-aralan, itakda at ipasa ang bayad sa pagdaan ng mga motorista sa mga toll ng malalaking kalsadang pinangangasiwaan ng malalaking pribadong kumpanya tulad ng Skyway ng SMC. (NELSON S. BADILLA)

59

Related posts

Leave a Comment