Sa mahal ng presyo ng pagkain MINIMUM WAGE EARNERS ABONADO PA

“ANO bang gustong ipakain sa atin, daga? Abonado pa ang mga minimum wage earners dahil sapat na lang sa pagkain sa isang araw ang kanilang sahod sa pagtaas ng presyo ng gulay, karne ng baboy at iba pang pagkain.”

Ito ang tinuran ng minority bloc sa Kamara sa kanilang press conference kahapon ukol sa pagtaas ng presyo ng gulay, lalo na ang karne ng baboy na umaabot na sa P400 ang kada kilo mula sa P219 sa unang 10 buwan o mula Enero hanggang Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon kay deputy minority leader Arlene Brosas, namalengke ang isang grupo ng manggagawa gamit ang P537 na minimum wage sa National Capital Region (NCR) at lumalabas aniya na pang-isang araw na pagkain lang ang nabili sa nasabing halaga.

“Pang isang araw na pagkain ang nabili niya. Kulang pa sa pamasahe, kulang sa pangmedisina at kung ano-ano pang pangangailangan ng pamilyang Pilipino,” pahayag ni Brosas.

Ayon naman kay Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat, konti na lang ay kasing halaga na ng isang kilong karne ng baboy ang sahod ng mga tao lalo na ang mga nasa labas ng Metro Manila na mas maliit ang minimum wage na tinatanggap.

“Hindi ko inakala na darating ang araw na mas mataas pa ang presyo ng baboy kesa baka, at ang almost 100% increase sa presyo ay mangyayari sa loob lang ng halos isang taon,” ani Cabatbat.

Idinagdag din ni Brosas na kailangang resolbahin ang problemang ito ng mga consumer dahil responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang mga ito hindi lamang sa panahon ng pandemya kundi sa lahat ng pagkakataon. (BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment