TSUPER, OPERATORS MABUBUSALAN SA PUVMP

MAWAWALAN ng boses ang mga tsuper at operators sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil bubuwagin na ang kanilang asosasyon sa ilalim ng nasabing programa.

Ito ang nabatid kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya hindi na maaaring makapagreklamo ang mga tsuper at operators ng mga pampasaherong jeep na karaniwang idinadaan sa transport strikes.

“Ginawan nila ng paraan na magkaroon ng jeep para mapakain ang kanilang mga pamilya nang walang tulong mula sa gobyerno. Bago pa ang PUV modernization program, mayroon na silang mga sariling grupo at asosasyon. Ngayon, sa isang iglap, ay tatanggalin ito sa kanila,” ani Brosas.

Sa kasalukuyan ay may ibat ibang transport group na kinabibilangan ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide, Alliance of Concerned Transport Organization, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon o MANIBELA at iba pa.

Sa ngayon ay binigyan ng hanggang Enero 31, 2024 ang mga tsuper at operators na mag-consolidate ng kanilang prangkisa dahil umaabot pa umano sa 200,000 unit ng tradisyunal na jeep ang hindi pa nakapag-consolidate.

“Drivers and operators are being pressured to join transport cooperatives or companies, disbanding their current jeepney associations and putting their livelihoods at risk,” ayon pa kay Brosas.

Nangangamba ang mambabatas na marami sa mga ito ang posibleng igarahe na lamang ang kanilang sasakyan pagkatapos ng Enero 31, 2024 lalo na’t walang kakayahan ang mga ito na palitan ang kanilang sasakyan ng modernong jeep na nagkakahalaga ng P2.5 million.

“With significantly fewer PUVs on the roads, millions of Filipino commuters will face a severe transport crisis, affecting important parts of the economy,” dagdag pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

94

Related posts

Leave a Comment