(NI BERNARD TAGUINOD)
IMINUNGKAHI ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatayo ng tulay na magdurugtong sa Iloilo at Guimaras upang maiwasan na ang disgrasya sa karagatan tulad ng nangyari sa tatlong pampasaherong bangka na ikinamatay ng 31 pasahero kamakailan.
Ayon kay House Minority Leader Benny Abante, sinabi nito na kanyang imumungkahi sa Department of Transporation (DOTr) na pag-aralan ang pagpapatayo ng tulay na magdurugtong sa nasabing isla upang hindi mahirapan ang mamamayan sa pagbiyahe.
“Sabi ko nga, ipo-propose ko na lagyan na lang ng tulay ang lugar na iyan (Iloilo Strait) para ang mga kababayan natin sa dalawang isla na iyan ay hindi na mahihirapan bumiyahe,” ayon sa kongresista.
Magugunita na tatlong bangka ang lumubog sa Iloilo Strait noong Agosto 3, matapos hampasin umano ng mga naglalakihang alon kung saan 31 pasahero ang namatay,
Kabilang na ito ang limang public school teacher at tatlong Filipino teacher sa United Arab Emirates na nagbabakasyon lang sa bansa.
Nabatid kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro na 15 minuto lang ang biyahe ng bangka mula sa Iloilo hanggang Guimaras kaya iminungkahi ni Abante na tayuan na lamang ito ng tulay.
Samantala, hindi umano papayag ang grupo ni Abante na walang managot sa nasabing trahedya kaya nagpatawag ang mga ito ng imbestigasyon upang malaman kung sino ang dapat patawan ng parusa.
Isa sa mga titingnan umano ng minority bloc sa isasagawang imbestigasyon ay kung bakit pinayagang maglayag ang dalawang bangka gayung may nauna nang nadisgrasya.
“So may nagpabaya sa kanilang trabaho dito at kailangan alamin kung sino at magkaroon ng accountability,” ani Castro.
139