(NI LILY REYES)
INAMIN ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief, Director General Aaron Aquino na nasa 31 celebrities ang nasa drug watch list ng kanilang ahensiya.
“Tama po ‘yun, 31 po sila. Napapanood niyo pa rin sa telebisyon. May mga TV hosts pa nga na nakikita natin dito,” ito ang sinabi ni PDEA chief Director General Aaron Aquino, sa interview ng GMA-DZBB.
“Mga wholesome pa ang roles nito sa telebisyon and yet itong mga artista na ‘to iba po ang ginagawa ‘pag gabi. Sila pa mismo ang tinutularan ng ating mga kabataan pero kung umorder ng ecstasy, 200 piraso,” dagdag pa ni Aquino.
Ayon pa rin sa hepe ng PDEA, kailangan pa ring kumpirmahin at i-validate ang mga pangalan ng mga personalities na kabilang sa drug watchlist .
“Hindi pa po ito validated. ‘Pag watch list po,’ di pa po validated, ‘di katulad ng PRRD (President Rodrigo Roa Duterte) list, validated na po lahat ‘yan. We still need to confirm, to validate the list…,” paglilinaw ni Aquino,
Inamin din ni Aquino na sa kasalukuyan ay nakatuon ang PDEA sa pag ba-validate sa mga pulitikong sangkot sa illegal na droga.
Napakahaba pa umano ng panahon na gugugulin para ma-validate ang 31 na mga celebrities. mga judges at prosecutors dahil nga naka concentrate pa ang PDEA sa mga pulitiko.
“Wala pa po kami balak i-validate ngayon ang mga celebrities, judges and prosecutors, siguro ho pagkatapos namin i-revalidate ‘yung mga narco politicians, doon mag-umpisa na rin kaming mag-validate sa mga tao na ito,” ayon sa PDEA Chief.
Matatandaan na ibinulgar ni Aquino na nasa 60,000 umano na mga personalities ang nasa watchlist kung saan ay kabilang sa mga ito ay mga judges, prosecutors, celebrities at mga miyembro ng media.
169