UMENTO SA GOV’T EMPLOYEES PINAMAMADALI

govt workers11

(NI NOEL ABUEL)

NANAWAGAN si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa kapwa nito senador na agarang ipasa ang Senate Bill 1219 sa ilalim ng Committee Report No. 26 o ang “Salary Standardization Law of 2019.”

Sa kanyang sponsorship speech, tinukoy ng mambabatas na ang naturang bill ang solusyon sa hindi pantay na dagdag sahod sa mga manggagawa ng pamahalaan sa mga nagdaang Salary Standardization Laws.

Aniya, kakarampot lamang ang mga nadagdag sa karamihan ng mga empleyadong may maliit na sweldo, samantalang malaki naman ang itinaas na sahod ng mga kawaning tumatanggap na ng malaking sweldo.

Sa ilalim ng panukalang Salary Standardization Law of 2019, makikinabang ang higit 1.4 milyong empleyado ng gobyerno lalo na ang mga nasa Salary Grade 11 hanggang 19.

Umaabot ito sa 79 porsyento ng lahat ng kawani ng pamahalaan, kabilang na ang mga guro at nars.

Sakaling maisabatas, magkakaroon ng apat na tranches ang dagdag sa sweldo na magsisimula sa Enero 2020.

Sa kabuuan, tinatayang aangat ang base pay ng halos 23.24 porsyento pagdating ng 2023 at magkakaroon ng halos 20 hanggang 30 porsyento ang mga empleyado sa ilalim ng SG 10 hanggang 15, at pinakamababa na ang 8 porsyento para sa mga kawani sa ilalim ng SG 23 hanggang 33.

Kung susumahin, aabot ang dagdag na sahod sa base pay ng halos P 6,000 sa kabuuan ng apat na taon ng implementasyon ng SSL.

“Fake news po ang ipinapakalat ng ilan sa social media na kakarampot lamang ang madadagdag sa sahod ng mga government employees natin. Aabot po sa P 6,000 ang itataas ng suweldo ng mga empleyado na nasa ilalim ng SG 11 hanggang 19 kapag naisabatas na ang bersyon ng Salary Standardization Law na ating isinusulong,” giit ni Revilla.

 

183

Related posts

Leave a Comment