MAYROON nang unang kaso ng Omicron Subvariant na FE.1 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa pinakahuling ulat ng biosurveillance ng COVID-19 ng DOH, ang FE.1 ay isang sub lineage ng XBB, na idinagdag sa listahan ng tinututukang variant ng European Center for Disease Prevention and Control noong June 1.
Sa ngayon, ang FE.1 ay na-detect sa 35 bansa o hurisdiksyon sa 6 na kontinente.
Bukod dito, nakapagtala rin ang DOH ng 2,215 na iba pang kaso ng omicron subvariant sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi sa ulat ng DoH na ang kasalukuyang magagamit na ebidensya para sa variant ay hindi nagmumungkahi ng anomang pagkakaiba sa kalubhaan ng sakit at/o mga klinikal na pagpapakita kumpara sa orihinal na variant ng Omicron.
“Limited information is available for the variant and researchers are currently characterizing FE.1 in terms of transmissibility, immune evasion, and ability to cause more severe disease,” pahayag ng DOH.
Ang Pilipinas noong Linggo ay nakapagtala ng 726 bagong impeksyon sa coronavirus. Nasa 8,861 ang aktibong kaso ng COVID-19. (RENE CRISOSTOMO)
