UTANG NG PH SA 2021, LOLOBO SA P12-T

INIHAYAG ni Senador Panfilo Lacson na posibleng tumaas sa P12 trilyon ang utang ng bansa sa mga dayuhan at lokal na pampinansiyang institusyon sa dulo ng 2021.

Hindi nakagugulat ang nakita ni Lacson sa itinatakbo ng utang ng pamahalaan dahil nakapila na ang Department of Finance (DOF) sa pangungutang sa World Bank, Asian Development Bank (ADB) at iba pa ngayong taon upang tustusan ang iba’t ibang programa ng pamahalaan tungo sa pag-angat ng ekonomiya, kabilang na ang pagbili ng milyun-milyong doses ng bakuna upang maging ligtas ang mamamayan sa COVID-19.

Tinukoy ni Lacson na ang P12 trilyon utang ay isa sa mga suliraning obligadong lutasin ng susunod na pangulo ng bansa.

Sa Mayo 2022 nakatakda ang pambansa at panglokal na halalan, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo.

Kung magaganap ang inihayag ni Lacson, mahigit isang trilyon ang naidagdag sa P9.79 trilyon utang ng bansa nitong 2020.

Batay sa rekord na inilabas ng Bureau of Treasury (BTr), nagtapos sa P9.79 trilyon ang kabuuang utang ng bansa nitong 2020 sa mga bangko at pampinansiyang institusyon sa loob at labas ng bansa. (NELSON S. BADILLA)

67

Related posts

Leave a Comment