VACCINATION PLAN, IPINOPORMA NA NG PAMAHALAAN

MAYROON nang nalikhang National Vaccination Plan laban sa COVID-19 ang pamahalaan sakaling magkaroon na ng gamot kontra virus.

Ito ang tiniyak ni presidential spokesperson Harry roque sa ginanap na virtual press Briefing sa Malakanyang.

Ani Sec. Roque, binuo ang planong ito hindi lamang para sa mga existing vaccines kundi para paghandaan din ang inaasahang pagkakatuklas ng vaccine laban sa COVID-19.

Bunsod nito, handa umano si Sec. Roque na ipaabot sa DOH ang request ni Senior Citizen Party-list Representative Francisco Datol na unahin ang mga senior citizen sa gagawing vaccination kapag ganap nang nagkaroon ng gamot kontra COVID-19.

Pero naniniwala si Sec. Roque na kahit wala ang suhestiyon na ito ng mambabatas, tiyak naman na uunahing bakunahan ang mga senior citizen dahil sila ang pinaka- vulnerable o madaling dapuan ng mapanganib na sakit.

Nauna rito, hinikayat ni Datol ang Inter-Agency Task Force (IATF) na bumuo ng technical working group para sa paglalatag ng vaccination plan laban sa COVID-19 at iprayoridad din ang matatanda sa mga babakunahan.

Samantala, habang dine-develop pa ng mga siyentista ang bakuna laban sa Coronavirus Disease (COVID-19) ay pinaghahanda rin nito ang pamahalaan kung paano mababakunahan ang lahat ng mamamayan.

Giit ng mambabatas, mahalagang ngayon pa lamang ay bumalangkas na ang pamahalaan ng ‘National Action Plan for Vaccination’ laban sa COVID-19 at tiyaking bawat Filipino ay mababakunahan kasama na ang OFWs, mga dayuhang turista at maging mga dayuhang tumira na sa Pilipinas.

Subalit, maaari aniyang ang ma-develop na anti-COVID-19 vaccine ay para sa mga nagkasakit na nito upang maiwasan ang pagkakaroon muli ng impeksyon o maaari ring bakuna para sa lahat nang hindi pa tinamaan ng nasabing virus.

Aniya, anoman ang maging protocols sa bakuna ay mahalagang may nakahandang plano ang gobyerno dahil kung ide-delay ang paghahanda ay tiyak na mas magiging vulnerable at tataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa. CHRISTIAN DALE

65

Related posts

Leave a Comment