VIRAL VIDEO NG MGA ATLETA SA TRUCK IIMBESTIGAHAN NG DEPED

deped1

(NI KIKO CUETO)

IIMBESTIGAHAN na ng Department of Education (DEPED)ang mga larawan na nag-viral sa social media, kung saan makikita ang mga atleta na estudyante na isinakay at ibinyahe sa isang truck na nakatayo at may grills pa sa Palawan.

Dadalo ang mga kabataan sa isang district meet.

Nag-viral ang post ni James Factor na kuha umano noong Nobyembre 3.
Doon makikitang walang bubong, nakatayo, at siksikan sa isang trak ang mga batang atleta na karamihan ay mga babae.

Galing sa bayan ng Rizal ang mga manlalaro na patungo sa bayan ng Bataraza para makilahok sa provincial meet.

Sinabi naman ni Grace Estefano, Information Officer ng DepEd, ipinatatawag na nila ang district supervisor ng bayan ng Rizal para magpaliwanag sa nangyari.

“We are investigating po sa DepEd kung bakit ganun ang kalagayan ng mga players. Dapat din po kasi natin mapakinggan din ang side nila para malinawan po tayo sa issue,” ani Estefano.

Ikinadismaya ni Factor ang kalagayan ng mga bata, ayon sa kanyang post.

“Sana naman naayos ang sasakyan bago nag-decide na umalis kasi ‘yung safety ng mga bata ‘yung importanteng bigyan ng pansin,” ani Factor.

Ipinaliwanag naman ni Estefano na nasa lokal na pamahalaan ang responsibilidad at pondo para sa paghahatid ng mga manlalaro sa kanilang paroroonan.

“Nasa LGU na po ang tasks sa mga manlalaro para ihatid sila sa venue ng palaro. Dapat may pondo talaga para sa kanila. And we are making sure na safe at maayos po sila the entire game po,” pahayag ni Estefano.
Sinabi naman ni Norman Ong, bise-alkalde ng bayan, na hindi naasikaso ang pag-renta ng bus para sa mga manlalaro.

“Pinag-uusapan na namin sa session yan. Hindi naman ganyan dati kasi may bus kaming nirerent para sa athletes,” paliwanag ni Ong.

Sisiguruhin din umano na hindi nila napapabayaan ang mga manlalarong nagsisikap para makapag-uwi ng medalya.
Magtatagal mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 15 ang provincial meet.

128

Related posts

Leave a Comment