MISTULANG nasupalpal ang ibinidang Executive Order (EO) No. 44 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nagdedeklara sa “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” bilang flagship program ng kanyang administrasyon sa inilunsad na kilos protesta ng mga magsasaka na kumokondena sa kahirapan sa bansa.
Kahapon ay nagtipon ang grupo ng mga magsasaka sa central office ng Department of Agriculture sa Quezon City sa ikalawang araw ng isang linggong protesta na ikinasa nila laban kay Marcos Jr., na inakusahan nilang pasimuno ng kagutuman sa bansa.
Ang nasabing protesta ay paggunita sana sa World Food Day subalit sinabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo na ang nabanggit na araw ay “World Hunger Day” para sa kanila.
“Ang araw na ito ay World Hunger Day sa amin sapagkat marami ang walang makain pati lumilikha ng pagkain. Sa ilalim ni Marcos Jr., lumala ang kagutuman at kahirapan sa bansa,” ani Estavillo.
Idinagdag pa nito na “para sa kababaihang magbubukid, si Marcos Jr. ang pasimuno ng krisis na ito kaya dapat kalampagin at singilin” dahil mula nang maupo aniya ang Pangulo ay wala itong nailatag na komprehensibong plano para sa sektor ng pagsasaka at inasa lamang ang pagkain ng bansa sa importasyon imbes paunlarin ang lokal na produksyon.
Si Marcos ang Kalihim ng DA mula nang maupo ito bilang Pangulo ng bansa noong Hunyo 30, 2022.
Ang EO No. 44 na inilunsad kamakalawa ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sa ilalim nito binigyan ng mandato ang DSWD na makipagtulungan sa iba pang national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs) para sa implementasyon ng programa.
Makakatulong ng DSWD ang lahat ng ahensya sa national at local government units (LGUs) para masigurong magtatagumpay ang programa alinsunod sa adhikain ni Pangulong Marcos, na matuldukan ang problema sa kagutuman, masigurong maabot ang target na food security, mas mapaigting ang nutrisyon at matatag na agrikultura pagsapit ng 2030.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
196