(BERNARD TAGUINOD)
HINDI lang mas mahal, lalong lalala ang serbisyo kapag ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kaalyadong si dating Senate President Manny Villar ang water distribution service sa Metro Manila.
Ito ang babala ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na tutol na ipasa sa pribadong kumpanya ang water service distribution kapag hindi kinagat ng Manila Water at Maynilad ang bagong water contract na binuo ng mga economic manager ni Duterte.
Hindi isinasantabi ng dating mambabatas ang posibilidad na ibibigay ni Duterte sa Prime Water Infrastructure Corp., na pag-aari ni Villar, ang water service distribution kapag umatras ang Manila Water at Maynilad sa bagong kontrata.
Sinabi ng mambabatas na kung naging ‘gahaman’ ang Manila Water at Maynilad at pinagkakitaan lamang ang water service distribution, mas malala umano ang mangyayari kapag isa pang oligarch ang hahawak dito.
“It is like replacing profit-hungry monsters with another profit-hungry monster. Prime Water this period is bullish, taking over water districts all over the country, obviously because it is allied with Duterte,” ani Casilao.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa isinasapubliko ng Malacañang ang bagong water contract na nais ni Duterte na tanggapin ng Manila Water at Maynilad dahil kung hindi ay babawiin na ang concession agreement.
Ayon kay Casilao, mas magandang ang gobyerno na mismo ang hahawak sa water distribution dahil kung ibibigay ito sa Prime Water ay malamang na mas lalala pa ang serbisyo at magmamahal ang singil.
Inihalimbawa nito ang kaso ng mga water district na nakuha ng Prime Water na imbes na gumanda ang serbisyo at magmura ang singil ay naging kabaliktaran ang nangyari.
“Water subscribers of Prime Water from Marilao, Bulacan, Tayabas, Quezon, Bacolod City, Negros Occidental and Zamboanga City are complaining about high water rates and service interruption,” ayon pa kay Casilao.
179