MAY natagpuang ilang sako ng mga buto sa ilalim ng Taal Lake ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng search and retrieval operation sa nasabing lawa na sinasabing pinagtapunan ng bangkay ng 34 na nawawalang sabungero, ayon sa lumantad na whistleblowers na si Julie Patidongan alyas “Totoy”.
Sa inisyal na ulat kahapon, sa pagpapatuloy ng isinasagawang search and retrieval operation ng coast guard sa Taal Lake sa bahagi ng Batangas, ay ilan pang mga sako ang nadiskubre ng technical divers ng PCG sa nasabing lawa.
Hindi kaagad kinumpirma ng mga awtoridad kung ang nasabing mga sako ay naglalaman ng mga buto ng tao na posibleng kabilang sa pinaghahanap na missing sabungeros na umano’y pinatay ng ilang tiwaling pulis, ayon sa salaysay ni alyas “Totoy”.
Gaya ng naunang pahayag ng Department of Justice, kailangan munang sumailalim ito sa forensic examination o DNA analysis ng Philippine National Police o National Bureau of Investigation.
Naniniwala naman ang isang forensic pathologist na baka maaari pang matukoy kung ang makukuhang mga buto sa ilalim ng Taal lake ay sa missing sabungeros.
Sa ibinigay na pahayag ni forensic pathologist Maria Cecilia Lim sa panayam ng media, may posibilidad na magamit ang mga butong makukuha sa ilalim ng lawa para madetermina kung ang mga ito ay sa nawawalang mga sabungero o hindi.
Paliwanag ng forensic expert, mataas ang acid content ng lawa kaya malamang na mga buto na lamang ang makukuha ng technical divers kung mayroon man subalit may mga paraan pa rin umano para ito madetermina.
Unang nang inihayag ng DOJ na kailangan ang forensic examination o DNA testing bago sila makapaglabas ng wastong konklusyon.
Pinasimulan ng coast guard ang search and retrieval operation sa lawa noong Huwebes at muling ipinagpatuloy nitong Biyernes ang paghahanap sa mga bangkay ng nawawalang mga sabungero na sinasabing itinapon sa lawa, ilang taon na ang nakalilipas.
Nitong Biyernes, nadiskubre rin ang ilang sako na may laman ng hinihinalang mga buto ng tao pero isasailalim pa ito sa forensic examination, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Kinakailangan pa munang isailalim sa pagsusuri o forensic examination ang narekober na mga sakong naglalaman ng umano’y mga buto ng tao.
Ayon sa kagawaran, alinsunod ito sa susunod na hakbang na kanilang sinusundan, una rito’y ang pormal na sertipikasyon na makapagsasabi na totoong mga buto ng tao ang natagpuan.
Anila’y manggagaling ito sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group o ng National Bureau of Investigation.
Kinakailangan din anila magsagawa ng DNA testing upang matukoy kung may kaugnayan o tutugma ito sa isa sa mga kaanak ng nawawalang mga sabungero.
Ayon kay NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin, ang kawanihan ay magbibigay ng ‘forensic support’ sakaling pormal na hingin ang kanilang tulong.
Wala pang ibinibigay ang PCG na eksaktong bilang ng mga sako na hinihinalang naglalaman ng buto ng tao, na natagpuan sa lawa.
Special Equipment
Kumpiyansa ang Philippine Coast Guard (PCG) na malaki ang maitutulong ng special equipment na inaasahan ngayong linggo para mahanap ang mga labi ng missing sabungeros.
Ito ay matapos tiyakin ng PCG na kumpleto ang kanilang technical divers at kagamitan para sa pagsisid sa Taal Lake sa paghahanap.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, isa sa mga hamon sa operasyon ay ang lalim at maburak na kondisyon ng tubig.
Dahil dito, malaki aniya ang maitutulong ng underwater remotely operated vehicle (ROV) na inaasahang darating ngayong linggo.
Ayon pa kay Cayabyab, may kakayahan ang ROV na makita ang ilalim ng tubig hanggang 1,000 feet at makakuha ng anumang bagay sa ilalim nito.
Tinukoy ng Coast Guard na umaabot sa 30 hanggang 40 metro ang lalim ng kanilang target na lokasyon.
Nilinaw rin ng PCG na hindi 24/7 ang isasagawang pagsisid para matiyak ang kaligtasan ng mga technical diver.
(JESSE RUIZ/JULIET PACOT)
