LIGTAS nang nakauwi sa pamilya ang isang Filipino businessman na dinukot at hiningan ng P50 milyong ransom.
Kinumpirma ito ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (AKG).
“Ikinagagalak naming iulat na ang biktima ay ligtas na at kaisa ng kanyang pamilya,” pahayag ni AKG chief Police Brigadier General Glicerio Cansilao.
Tatlong suspek ang naaresto, habang tinutugis pa ang iba kabilang ang itinuturong utak sa krimen.
Ayon sa ulat, huling nakita ang biktima sa Mandaluyong noong Pebrero 12 at hindi na nakauwi. Sa pag-backtrack ng CCTV at intelligence operations, natukoy ang umano’y pagdukot.
Humingi umano ng P50 milyon ang mga kidnapper ngunit ibinaba ito sa P4 milyon. Nakapagpadala ang pamilya ng P250,000 sa pamamagitan ng digital payments.
Ginamit ng AKG ang transaksiyong ito upang matunton ang lokasyon ng mga suspek at agad nagsagawa ng operasyon.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga naaresto.
(PAOLO SANTOS)
9
