TUMAMA na sa bansa ang paniniwala ng 40% ng mga Filipino na sasama o hihina ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na 12 buwan.
Batay kasi sa isinagawang mobile phone survey ng Social Weather Stations (SWS) sa may 1,555 adult Filipino mula ika-3 hanggang ika-6 ng Hulyo ay may dalawa sa bawat limang Filipino o katumbas ng 40% ang naniniwalang mas sasama o hihina ang ekonomiya ng Pilipinas.
“Sa tingin ko po, the worst has hit us already at the worst of course was when we had ECQ (enhanced community quarantine) na sinarado natin ang ekonomiya,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Ngayon aniya ay nagbubukas na ang bansa ng ekonomiya kaya naghahanda ang pamahalaan para sa mga posibleng magkasakit dahil sa pagbabalik sa trabaho ng mga obrero.
“Tingin ko po bumabangon na po tayo. It will not be as bad, it can only be better,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Sec. Roque na ito ang dahilan kaya’t maglulunsad ang gobyerno ng bagong communication plan.
“Kagaya ng ating nasabi, iyong ‘Ingat Buhay Para sa Hanapbuhay’, dahil ang tanging pamamaraan lang po para tayo po ay makabangon muli ay sa paghahanapbuhay at pagbubukas ng ekonomiya,” anito.
Kaya aniya, naintindihan ng pamahalaan kung bakit pesimista o negatibo ang pananaw ng mamamayan subalit ang sinasabi naman aniya ng mga economic manager ay “We have hit rock bottom and the only way to go is up.”
“So kapit-bisig po tayo, hanapbuhay po tayong lahat, bubuksan po natin ang ekonomiya – nandiyan pa rin po si COVID pero kaya po nating pag-ingatan ang ating mga sarili at sama-sama po tayong babangon,” ayon kay Sec. Roque.
Sa naturang survey, lumabas din na 24% ng mga Filipino ang nagsabing inaasahan nilang walang magiging pagbabago sa lagay ng ekonomiya ng bansa.
Habang 30% naman ang naniniwalang bubuti ito sa susunod na isang taon.
Ayon sa SWS, ang naitalang 40% na “economic pessimists” nitong Hulyo ay pinakamataas sa nakalipas na 12 taon o simula noong Hunyo 2008 na nakapagtala ng 52%.
Bumaba rin anila ng 47 puntos ang net economic optimism score sa “mediocre” na negative 9 nitong Hulyo 2020 mula sa very high na positive 38 noong Disyembre 2019. (CHRISTIAN DALE)
